Sa bawat pagkakataon na naiisip ko na hindi kita makasama o masilayan man lang, nag-iiwan ito ng bakas sa puso ko. Sugat na kay lalim, kay hapdi, kay sakit.
Ngunit wala akong magagawa kundi ang hintayin ang panahong makapiling kang muli.
Kung alam mo lang, kung alam mo lang. Walang oras na hindi kita kasama sa puso’t isipan ko. Nabibingi ako sa kaisipan at sa tanong na kailan.
Subalit sa gitna ng hirap na ito, ay lubos na higit ang pagpapasalamat at ligayang dulot mo sa buhay ko. Ligaya ang isiping ako’y iniisip mo rin. Ligaya ang isiping ika’y naluluha sa gitna rin ng dilim. Ligaya ang malamang musika ang kumukurot sa iyong puso sa tuwing ako’y iyong naalala. At langit ang marinig mula sa iyong mga labi na ako’y mahal mo rin.
Tanong ay bakit ligaya? Ligaya dahil sa gitna ng iyong mga luha ay kasama mo ako. Sa pagluha mo, lumuluha rin ang puso ko. Sa pag-iyak mo, umiiyak rin ang pagkatao ko. Sa katahimikan mo, nananahimik rin ang diwa ko. Ang puso nati’y sadyang magkatulad. Masakit ang mamaalam sa taong lubos mong minamahal.
Bakit? Dahil ang inyong mga kaluluwa’y magkarugtong. Sila ay iisa. Tayo ay iisa. Marahil sa tuwing mamaalam tayo sa isa’t isay, pamamaalam rin ito ng nakaraan at ng hinaharap.
Hayaan natin maging kasalukuyan ang nakaraan at ang hinaharap. Lumikha tayo ng mundong sadyang atin lamang. Dahil tanging sa mundo nating ito, tayo'y magsasama, hanggang sa kabilang-buhay.
Mahal Kita. Mahal na mahal kita.....
Lupet naman neto... in love po kayo?
ReplyDeleteHaha Sir/Madam....just random thoughts to ponder for my readers :-) :-) :-)
Delete